include_once("common_lab_header.php");
Excerpt for Iyo Ako ng Isang Gabi by , available in its entirety at Smashwords

This page may contain adult content. If you are under age 18, or you arrived by accident, please do not read further.

Iyo Ako ng Isang Gabi

Romantique


Published by Romantique at Smashwords



Copyright 2018 Romantique




SYNOPSIS


Naranasan mo na bang umibig nang hindi mo nalalaman? Iyon bang pagmamahal na nakatago sa puso…


Kung mayroon kang inililihim na pag-ibig, huwag mong isiping hindi mabubunyag iyan. Ang pag-ibig daw ay katulad ng isang halaman. At ang iniiibig naman ay ang araw, tubig, at hangin. Sa tuwing nasisilayan mo ang iyong minamahal, ang halaman ay yumayabong nang yumayabong…


Si Abigail ay isang tahimik at masipag na sekretaryang tapat na naglilingkod sa isang simpatikong boss na si Liam. Pareho silang may minamahal at nagbabalak nang magpakasal. Ngunit nang magbiro ang tadhana, pinagsabay sila. Kapwa nagtaksil ang kanilang mga kasintahan.


Ang kalungkutan ay nagmistulang tanikalang gumapos sa mga pusong nalulumbay. Inalo nila ang isa’t isa…


Natuklasan ni Abigail ang tunay na damdamin para kay Liam, ngunit hinding-hindi maaaring ilantad… Tama na sa kanya ang isang gabing pagkahibang.


Ang napili kong love song para sa romantic story nina Abigail at Liam ay “I’m Yours” by John Mraz.



CHAPTER ONE



SA Kalye Ilaw, na mas kilala sa tawag na Baranggay Toma-toma, singkapal ng mga langgam ang mga batang nakakalat sa daanan. Palibhasa napakasikip ng mga tirahang barung-barong na magkakalapit sa magkabilang panig, ang makitid na kalsadang konkreto ay ginawang palaruan, labahan, paliguan, tindahan, pasugalan at lugar ng inuman. Hindi rin nawawalan ng mga basurang nakatumpok sa tabi-tabi at mga dumi ng mga aso sa kungsaan-saan.


Dito lumaki si Abigail. Ngunit kailanman ay hindi siya naging batong kalye. Kabaligtaran siya ng mga kapwa-bata at mga kapatid. Palaging nasa loob ng bahay. Pagkatapos gampanan ang mga samut-saring gawaing-bahay, nakasubsob ang ulo niya sa pag-aaral ng mga leksiyon sa eskuwela.


Dahil sa limang anak nina Aling Miling at Mang Lori, tanging si Abigail lamang ang nangangarap--at nagsusumikap--na makaahon mula sa kahirapan.


Iginapang ng dalaga ang sarili para makatapos sa kursong Commerce. Nagtrabaho siya sa mga fastfood restaurants bilang parttimer. Namasukang clerk/typist sa isang notary public office. Tumanggap ng mga labada at palantsahin mula sa mga kapitbahay. At nagtinda ng mga pahulugang RTW, mga produktong pampaganda, sapatos, bag, encyclopedia, at real estate.


Sa puntong pagtitinda, hindi naging matagumpay si Abigail. Mahina ang 'sales talk' ability dahil medyo mahiyain. Kulang sa puwersa ang personalidad dahil medyo mahinhin. Ginawa siyang kimi ng sobrang karukhaan. Kaya ang hinasa niya nang husto ay ang mga office skills.


Palibhasa hindi namili ng trabaho, agad na nakapasok sa opisina ang dalaga. Kahit degree holder, namasukan siya bilang janitress.


Tiniis ni Abigail ang mga pangangantiyaw ng mga kapatid na pawang lalaki at ilang kapitbahay.


"Ano ba 'yan, bunso? Anim na taon kang bumuno sa kolehiyo, a? Magiging tagalinis ka lang pala ng mga kubeta! Ha! ha!"


Nagbingi-bingihan si Abigail. Ang tanging minahalaga niya ay ang pagkakaroon ng suweldong tatanggapin tuwing kinsenas at katapusan. Ang importante ay regular na siyang nakakapag-abot sa mga magulang. Nagbulag-bulagan na lamang siya kung saan dinadala ng amang lasenggo at inang tong-itera ang perang pinagpapawisan niya.


Sinuwerteng nabakante ang posisyong private secretary ng company president makalipas ang limang buwan. Agad na nag-apply si Abigail. Lakas-loob lang nang kumuha ng mga exams, ngunit ibinuhos ang lahat ng kakayahan.


Hindi siya nakapaniwala nang matanggap. Kahit lumipas na ang tatlong taon, parang nananaginip pa rin si Abigail Santos.


Gayunman, lalupa niyang pinag-ibayo ang likas na kasipagan. Palagi siyang maaga pumasok sa opisina. Palaging handang mag-overtime kahit kailan kailanganin ng boss.


Bagama't walang natatanggap na papuri mula sa amo, alam ni Abigail na kuntento sa serbisyo niya si Liam Ramsey.


"'Yang si Sir Liam natin, kuripot 'yan sa mga boladas pero galante naman sa bonus at salary increase." Ganito ang sinabi ng human resources management o HRM manager nung orientation interview ni Abigail, may tatlong taon na ang nakakaraan.


Ngunit hindi ang mga sorpresang midyear bonuses at regular na salary increase ang nagsisilbing motivation ni Abigail sa pagsisipag. Si Sir Liam mismo ang inspirasyon niya para maging perfectionist sa trabaho. Hindi arogante at lalong hindi matapobre ang binatang milyunaryo. Nanggaling sa hirap na yumaman dahil sa ibayong pagsisikap at determinasyon at hindi marunong manlamang sa kapuwa, lihim na iniidolo ng dalaga ang ulirang boss.


"Abigail!"


Muntik nang matapilok si Abigail dahil umiiwas ang hakbang niya sa isang maliit na tumpok ng dumi ng aso nang mapalinga. Isang matamis na ngiti pa rin ang sumilay sa kulay rosas na bibig niya dahil ang nobyo palang si Pipoy ang tumawag sa kanya.


"Good morning," bati ni Abigail. "Pang-umaga ka na ba ngayon?" Medyo na-guilty siya dahil ilang araw na silang hindi nagkikita ng kasintahan gayong ilang bahay lamang ang nakapagitan sa kani-kanilang tirahan.


Masyado kasi siyang naging abala sa opisina. Biglang nagkaroon ng emergency stockholders' meeting habang nag-uumpisa ang mga preparasyon para sa isang double blow-out party. Si Liam Ramsey ang hinirang na 'entrepreneur of the year' at ang J.V. Group of Companies ang napiling 'model company of the decade.' Sa loob kasi ng mahigit labintatlong taon, walang naghangad na magtayo ng labor union sa mga empleyado ng kumpanya. Lumobo na sa mahigit limangdaang katao ang nasa empleyo ni Liam Ramsey.


"Hindi. Nag-resign na ako sa trabaho--kaya mag-a-apply na naman sa panibago." Pakaswal ang tono. Halatang sanay na sanay na sa gayong sitwasyon.


Dahil hindi gaanong nakatutok sa kausap ang isipan ni Abigail, naging mabagal ang kanyang reaksiyon.


"Hoy, Abigail! Narinig mo ba ako?" Tinapik ni Pipoy ang isang braso ng dalaga.


"Oo naman." Sumulyap si Abigail sa payat at may katamtamang taas na lalaki. 


Magkababata at magkaklase sila ni Felipe Mauricio. Nagsimula ang panliligaw nito nung first year highschool sila. Dahil wala nang ibang nanligaw, parang nagkaroon sila ng M.U. o 'mutual understanding'.


Nagyayang magpakasal ang binata nung maka-graduate ito sa kursong computer science. Ngunit third year irregular pa lamang si Abigail noon kaya tumanggi siya at humingi ng kaunti pang panahon. Naging opisyal na silang magnobyo. Alam na ng lahat ang kanilang engagement.


Na naging long engagement dahil limang taon na ang lumipas buhat ng mag-alok ng kasal si Pipoy. Maraming naging dahilan o problema. Walang magamayang trabaho ang kasintahan. Palipat-lipat ng pinapasukan.


Gayunman, buo at matatag pa rin ang pagmamahal ni Abigail kay Pipoy. Patuloy pa rin siya sa paghabi ng mga pangarap tungkol sa pagpapakasal at pagsasama nila ng childhood sweetheart at long-time fiance. Ito rin lang kasi ang lalaking nanligaw sa kanya. Ito rin ang bestfriend niya mula pagkabata.


Si Pipoy ang sentro ng mundo ni Abigail. Umaasam siyang makakasal na sila ngayong sumapit na siya sa edad na bente singko. Siguro nama'y nakatanaw na siya ng utang na loob sa kanyang mga magulang. Hindi naman pati siya titigil sa pagtulong kahit may sarili na siyang pamilya...


"Kailangan ko ang tulong mo, Abigail."


Nagsalita uli si Pipoy kaya pinuwersang ibalik ni Abigail ang buong isipan sa kasalukuyan.


"Ano'ng maitutulong ko sa 'yo?" Binilang na ni Abigail sa loob ng utak ang laman ng wallet. Malimit siyang mahiraman ng pera ni Pipoy. Balewala naman dahil matagal na ang pinagsamahan nila at nagmamahalan sila ng lalaki.


"Di ba, assistant ka ng company president n'yo?" umpisa ni Pipoy. "Siguradong malakas ka kaya puwedeng-puwede mo akong ipasok sa trabaho."


Natigilan si Abigail. Napahinto sandali sa paglalakad ngunit nagpatuloy uli dahil hindi tumigil ang kasabay.


"Hindi ako assistant, sekretarya lang ako." Awtomatiko ang pagtatama niya. "Atsaka, hindi ako malakas kay Sir. Pero puwede kang mag-apply. Kapag qualified ka, tatanggapin ka nila."


Bumadha ang pagmamaktol sa butuhang mukha ni Pipoy. Sadyang maputla ang balat nito dahil medyo sakitin. At tila magkakasakit na nga ito sa di-sinasadyang pagbibigay niya ng disappointment. Naawa si Abigail kaya binuksan niya ang zipper ng shoulder bag at dinukot ang wallet.


"Pasensiya ka na, Pipoy. Hamo't magtatanong ako kung ano ang bakanteng posisyon sa kumpanya. Susubukan ko ring humingi ng rekomendasyon kay Sir," pang-aalo niya habang kinukuha ang nakaipit na limandaang buo sa likod ng ATM card. "O, heto ang pandagdag sa pamasahe mo. 'Wag kang magpapalipas ng gutom, ha?"


"Salamat." Tinanggap ni Pipoy ang pera pero sa wallet niya nakatingin. "Me laman ba 'yang ATM mo? Pautangin mo naman ako. Kinuha akong ninong sa binyag ng isang kabarkada ko, e."


"Sori, sa Biyernes pa ang suweldo namin, e." Inililihim pa ni Abigail ang pag-iipon niya para sa kanilang kasal dahil nais sorpresahin ang fiance kapag namanhikan na ito sa pamilya niya.


"Tamang-tama pala. Sa Sabado ang binyag, e. Mag-withdraw ka na bago umuwi, ha? Umagang-umaga kasi ang alis namin, e."


"Oo, sige." Hindi sumagi sa isip ni Abigail ang tumanggi sa utos ng nobyo. "Magkano ba ang kailangan mo?"


"Tatlong libo lang."


"T-tatlong libo?" Likas na matipid at masinop sa pera, nagulat si Abigail. "Saan ba ang binyag?"


"An'layo nga, e. Sa Pangasinan pa."


"Napakalayo naman pala. Kailangan mo ba talagang magpunta d'on?" Habang nagsasalita, nag-iisip si Abigail kung pagbibigyan niya ang gusto ng nobyo.


Nagmaktol uli si Pipoy. Padaskol nitong isinuksok sa bulsa ng polo ang limandaang ibinigay niya at binilisan ang paglalakad. 


"Kung ayaw mo, 'wag mo! Madamot ka na pala ngayon!" Ito pa ang may ganang magalit. Paano'y na-spoiled na sa kabaitan ni Abigail. Sigurado nang hindi matitiis ng mapagbigay na nobya.


"Pipoy naman. Hindi ako nagdadamot. Nabigla lang ako." Humabol si Abigail. "Parang hindi kasi praktikal 'yung mangungutang ka ng malaking pera para gastusin lang sa isang binyagan," paliwanag niya sa tonong nang-aalo.


"Mas gusto mo bang ismolin at matahin ako ng mga kabarkada ko?"


Wala na sa katwiran si Pipoy, pero nabubulagan ng pagmamahal si Abigail kaya hindi niya nakikita ang maling attitude ng nobyo. Isa pa, ayaw niyang masayang ang mahabang panahong pinagsamahan nila kaya hindi nauubusan ng pasensiya.


"O, siya, siya. Bibigyan kita ng tatlong libo sa Biyernes. 'Wag ka nang magalit. Ang aga-aga'y nakasimangot ka. Baka matakot pa ang aaplayan mo." Nilambing na niya ang lalaki dahil nakarating na sila sa bus stop. Baka lumaki at tumagal pa ang tampo ni Pipoy kapag nagkahiwalay silang nagagalit pa rin ito.


"Talaga? Promise 'yan, ha? Walang istiran!" Biglang nabura ang simangot ng lalaki. Abot-teynga na ang ngiti. "Ano'ng oras ka uuwi sa Biyernes? Baka may overtime ka?"


"Malamang na meron nga." Miyerkules na ngayon at sa Sabado na ang blow-out party. Kapag hindi pa natapos hanggang Huwebes ang mga paghahanda para sa party, tiyak na hanggang sa Biyernes ay magiging abalang-abala si Abigail.


"Ano kaya kung ako na ang mag-withdraw para sa 'yo?" suhestiyon ni Pipoy.


Saglit na nag-alinlangan si Abigail. Wala pang humahawak na ibang kamay sa ATM card niya. Ngunit hindi naman ibang tao si Pipoy, a? Future husband niya ito.


"Hindi bale na lang. Maghihintay na lang ako sa pag-uwi mo kahit hanggang hatinggabi. Wala ka 'atang tiwala sa akin, e." Pamaktol na naman ang pagsasalita ni Pipoy.


Natatanaw na ni Abigail ang Ramsey shuttle bus na nagbibigay ng libreng sakay sa mga J.V. employees kaya pumayag na siya agad para matapos na ang argumento. 


"Okey, payag na ako. O, kiss na. Paparating na ang bus namin." Ibinaling niya ang pisngi para pahalikan sa lalaki.


"Ibigay mo na sa akin card. Baka paasahin mo lang ako."


Nataranta pa si Abigail sa pagdukot ng ATM card sa wallet. Ni hindi niya napunang nagiging garapal na ang nobyo.


"Bye! Mamaya na lang ang kiss!" Nahiya na siyang magpahalik sa harap ng mga kapwa-empleyado.


"Babay! Am'bait mo talaga, Abigail!"


Sinilip ni Abigail sa bintana si Pipoy nang nakaupo na upholstered seat ng aircon bus ngunit nakatalikod na ang lalaki para tumawid sa EDSA.


Napailing na lamang ang dalaga habang nakangiting inihahatid ng tanaw ang patpating hugis ng binata. Magkaedad silang dalawa pero isip-bata pa rin ito. Bunso kasi at medyo sunod sa layaw dahil nasa abroad ang ama.


'Bunso ka rin naman, a?' salo ng isang tinig sa likod ng utak.


Unti-unting lumungkot ang masayang ngiti ni Abigail nang maalala ang apat na kuya at mga magulang na pulos palautos. Ni minsan, hindi niya naramdaman kung paano ang maging isang paboritong bunso sa pamilya!


"'Yon ba ang boyfriend mo, Abigail?"


Naputol ang pagmumuni-muni niya nang maupo sa kanyang tabi si Winnie, ang private secretary ng vice-president for finance.


"Oo." Maikli ang tugon niya dahil nakikiramdam kung ano ang talagang motibo ng interes ng babaeng ka-opisina.


"Hindi siya kaguwapuhan, ano?" patuloy ni Winnie. Kaswal na kaswal ang pamimintas. "Kunsabagay, hindi ka rin naman kagandahan. You suit each other very much!" Tinuya siya ng malapad na ngiting nasa mapupulang labi bago tumindig at lumipat sa pinagmulang upuan.


Bumuntonghininga si Abigail at nagpasensiya na lamang. Nagkaroon ng matinding inis sa kanya si Winnie Sena dahil ambisyon pala nitong maging private secretary ng mismong company president. Huli na nang malaman niya ang tungkol sa hangarin nito. Disinsana'y nagparaya na lang siya noon...


'Ang martir mo naman! Harap-harapang insulto na 'yon, a? Lumaban ka naman!' ang inis na buska ng munting tinig.


Bumagal ang pagtakbo ng bus nang mapadaan sa tapat ng mga taong nagpi-piket sa harapan ng isang sikat na gasolinahan. Napatingin si Abigail sa mga higanteng plakard na may nakasulat na malalaki at mapupulang letra.


'Ayoko lang ng gulo,' katwiran niya sa sarili.




CHAPTER TWO



ABALA na sa pagta-type sa computer keyboard si Abigail nang tumunog ang buzzer ng intercom. Sanay na siya sa matinis na ingay kaya hindi na nagugulat kahit katabi lamang ang mekanismo.


"Sir?" Maliksing sinagot ni Abigail ang tawag ng boss mula sa private office.


"Black coffee lang, Miss Santos," wika ng malalim at medyo paos na boses-lalaki.


Mabilis na tumalima ang dalaga sa maikling utos. Nagsalin siya ng umuusok na brewed coffee sa isang porcelain cup na may katernong platito. Inilagay iyon sa isang maliit at kuwadradong aluminum tray. Huminto siya sandali sa tabi ng office desk upang damputin ang steno pad at isang kahon ng mga bagong tasang lapis na palaging nakahanda.


Kahit namasukang janitress, walang plano si Abigail na manatiling tagalinis ng comfort rooms habambuhay kaya kumuha siya ng crash course sa stenography habang iginagapang ang sarili na maka-graduate sa college. Ang sabi ng Personnel manager noon, siya lamang daw ang nakapasa sa steno test na ibinigay ni Sir Liam sa mga aplikante bilang private secretary.


Kumatok muna si Abigail sa pinto at hinintay ang pagsagot ng amo bago pinihit ang seradura. Isang beses lang niyang nahuling may kayakap at kahalikang babae si Liam Ramsey, pero ayaw na niyang maulit ang pagkakamali. Lalupa't iyon daw ang isa sa mga dahilan ng pagkakatalsik ng sekretaryang pinalitan niya.


Dahil walang balak na mawalan ng trabahong may magandang pasahod, naging alerto at maingat si Abigail sa pakikitungo sa boss.


"Sit down, Miss Santos." Nakatayo sa tapat ng malalaking bintana si Liam Ramsey. Nakatalikod sa kanya.


Inilapag ni Abigail ang aluminum tray sa isang gilid ng malapad na office desk at sinamantala ang pagkakataong mapagmasdan ang makisig na kabuuan ng amo.


Kahit paghanga lamang sa talino at kabaitan ni Sir Liam ang nararamdaman, inilihim pa rin nang husto ni Abigail iyon. Nananatili siyang pormal at impersonal dahil iyon ang dalawang mahalagang sangkap para hindi tumabang ang panlasa ng boss sa paglilingkod niya.


Iniukit ni Abigail sa utak ang mga natutuhan sa isang secretarial seminar na pinadaluhan sa kanya ni Liam Ramsey noon.


"Never, never, never fall in love with your boss!" ang seryoso at mariing payo ng isa sa mga guest speakers. "That foolishness will cost you your job, your heart, and your future!"


Madaling ibigin ang isang simpatikong lalaking katulad ng boss niya, kaya triple ang pagbabantay at pagrerenda ni Abigail sa sariling damdamin. Palagi siyang naka-distansiya kay Liam Ramsey, kahit imposible namang mapansin ng amo.


'Napakaguwapo at napakamacho ni Sir Liam—samantalang ako ay hindi maganda at walang mabuting background,' panunuya ni Abigail sa sarili.


Ibinaling niya ang paningin sa eleganteng palibot ng maluwang at maaliwalas na opisina. Ganito rin ang ambience sa Ramsey Residence. Kaunti lamang ngunit malalaki ang mga silid sa loob ng bahay ni Liam. Napakaluwang rin ng bakurang nakapalibot sa one-storey at kulay puting ranch-style house.


Ayon sa mga kuwentu-kuwento, si Liam Ramsey daw ay nagmula sa isang masikip, matao at madilim na squatters' area sa pusod ng Maynila. Ang bahay na kinalakhan ay may maliit pero may apat na palapag at pinagdugtung-dugtong ng matatarik at makikitid na hagdanan. Kaya marahil ang tahanang ipinatayo ay may isang palapag lang at ubod nang lapad.


Tumikhim ang lalaking laman ng isipan. Nakalapit ang boss sa kinauupuan niya nang di namamalayan dahil napakakapal ng alpombrang kulay krema.


"Are you ready to listen for my instructions, Miss Santos?" tanong ni Liam. Malutong ang tono.


Agad na tumango si Abigail at mabilis na naghanda sa pagsusulat sa stenopad. 


"Yes, sir." Pormal at kalmado ang pagsasalita kahit nangangatog ang kalooban. Baka hindi nagustuhan ang pagmamasid niya sa mga mamahaling muwebles at kasangkapan sa paligid ng opisina.


"I-cancel mo ang lahat ng mga appointments ko para sa araw na ito. 'Yung mga hindi puwede, ipasa mo kina Mr. Fortrich at Mr. Loben." Ang tinukoy ay ang mga vice-presidents ng finance at marketing. "May pupuntahan ako. I’ll be out all day today.”


Tumango si Abigail habang nagsusulat. "Babalik pa po ba kayo dito sa office, sir?"


"I don't know." Bahagyang nakakunot ang noo ni Liam. Parang may naiisip na hindi maganda. "Baka sa Paris na ako mag-overnight."


Nakagat ni Abigail ang dila dahil sa pagkabigla. Ang ibig sabihin ng Paris ay Mia Caressa, ang sikat na pop diva at latest girlfriend ni Liam. O fiancee. Maraming beses nang nalathala sa mga diyaryo at magasin ang tungkol sa nalalapit na wedding of the year.


“Gusto kong mag-concentrate ka sa party preparations mula ngayon hanggang bukas."


"Meron pa po ba kayong ibang ibibilin?" Nagsalita siya nang matiyak na normal na uli ang boses. Hindi na niya itinanong kung gustong magpa-reserve sa hotel o kung may plane ticket na ang amo. Pihong si Sir Liam na ang personal na nag-asikaso ng mga iyon dahil sa kasabikang makasama na uli ang nobya.


"No more, Miss Santos. You can go now." Halatang nasa malayo na uli ang isipan ni Liam. Nauna na sigurong nagtungo sa Paris...


Nagdumaling lumabas si Abigail upang maibalik agad ang distansiyang nagsisilbing proteksiyon niya sa mapanghigop na karisma ng boss.


Matapos kausapin sa telepono ang mga pangalang nakasulat sa makapal na appointment book, itinutok na ni Abigail ang buong konsentrasyon sa party preparations. Nag-canvas siya ng iba't ibang presyo at iba't ibang menu ng limang kilalang caterers. Gayundin ang sound and lighting systems, decorations at cleaning services.


Kahit nakaupo lang maghapon, ngalay na ngalay ang mga daliri at bibig ni Abigail sa pakikipag-usap sa telepono. Ang sandwich na ipina-deliver galing sa company canteen ay hindi niya naubos. Pulos tubig lang ang hinahanap ng nananakit na lalamunan.


Nang sumapit ang alas singko, hindi pa rin tuminag si Abigail. Ni-review niya ang mga preparation details habang sumisimsim ng mainit na kape. Ini-update rin niya ang filing system at tinapos ang mga correspondence na papipirmahan sa boss bukas ng umaga para maipadala sa company messenger bago mananghali.


"Aba! Hindi ka pa pala umuuwi, Miss Santos!" Walang katuk-katok nang buksan ni Winnie ang pinto ng opisina.


Nagulat si Abigail pero sumulyap muna sa orasang nakasabit sa dingding bago nagsalita. 


"Good evening, Miss Sena. Ano'ng maipaglilingkod ko sa 'yo?" ang magalang na tugon niya.


Umismid si Winnie. "Ipinabibigay ng boss ko ang mga salary checks na ito para papirmahan sa boss natin."


Inignora ni Abigail ang patutsada ng ka-trabaho. "Nakaalis na si Sir. Baka bukas na mapirmahan ang mga ‘yan." Hindi kasama si Winnie sa mga importanteng tao na dapat makaalam kung saan nagpunta ang company president. 


"Ilalagay ko na lang ang mga ito sa kaha de yero niya." Tumayo siya upang kunin ang makapal na plastic envelope.


"Oh? Alam mo pala ang combination ng kaha de yero ni Sir Liam?" Si Winnie naman ang nagkunwaring hindi nagulat. Pinilit ding itago ang matinding pagkainggit.


Bumuntonghininga lang si Abigail. Hindi na niya sinabing nung isang buwan lang niya nalaman ang mga pribadong numero.


"Ikaw lang ang pinagtiwalaan ko ng number combination, Miss Santos. Naniniwala akong hindi mo sisirain ang malaking tiwala ko sa 'yo," ang seryosong pahayag ni Liam Ramsey.


"Ako lang ang tagasarado ni Sir," pagsisinungaling ni Abigail.


Muling umismid si Winnie. "Hmp! Tama lang 'yan. Kahit susi ay hindi ka dapat pagkatiwalaan, Miss Squatter Girl!"


Binlangko ni Abigail ang ekspresyon kahit parang sinampal ang mukha niya. Inihanda niya ang kalooban sa iba pang sasabihin ni Winnie. Mas gusto niyang magtiis at manahimik kaysa ipagtanggol ang sarili kapag may nangmamata at nang-iinsulto sa pagkatao niya. Dahil ayaw nga niya ng gulo.


"Malaki na ang suweldo mo dito, a? Bakit hindi ka makaalis sa iskwater?" Nakangisi si Winnie habang nagsasalita. Maya-maya'y pumitik ang dalawang daliri sa hangin. "Aah, alam ko na pala kung bakit. Siguro, inuubos mo sa dyowa mo ang lahat ng kinikita mo, ano?"


Nilunok ni Abigail ang bara sa lalamunan ngunit hindi pa rin siya nagsalita. May plano siyang umalis sa squatters' area kapag nakasal na sila ni Pipoy. Ang pangarap niya ay kukuha sila ng maliit na bahay at lupa sa isang subdibisyon at pagtutulungan nilang hulugan. 


Ngunit habang dalaga pa siya, ang tamang lugar para sa kanya ay sa poder ng mga magulang kahit bente singko anyos na.


"Kitang-kita ng dalawang mga mata ko nang ibigay mo kay boyfriend ang iyong ATM card," patuloy ni Winnie. "Tsk! tsk! Ang bata-bata mo pa para maging sugar mommy!"


Nanatili ang silent treatment ni Abigail. Matagal na niyang natutuhang ang katahimikan ay isang mabisang proteksiyon.


"Ano nga bang pangalan ng b.f. mo? Pipoy? As in, Felipe Mauricio?"


Iyon ang sumira sa kalasag ni Abigail. "Paano mo nalaman ang buong pangalan ni Pipoy?" maang niya.


“Secret!” Isang makahulugang hagikhik lang ang itinugon ni Winnie. Pinatalsik pa ang nakalugay na mahabang buhok habang tumatalikod. Gayang-gaya ang isang shampoo commercial. Tumatawa pa rin ang ka-opisina kahit nasa labas na.


Humugot ng sunud-sunod na buntonghininga si Abigail nang mapag-isa. Pinilit niyang iwaksi ang pagtataka. E, ano ba kung alam ni Winnie ang buong pangalan ni Pipoy? Wala namang masama kung magkakilala pala ang ka-opisina at ang katipan niya, hindi ba?


Nakasindi pa rin ang mga ilaw sa loob ng pribadong opisina ng company president. Sa kaha de yero agad siya lumapit. Ipinasok niya ang plastic folder at isaradong muli ang metal na pinto. 


Ngunit hindi siya nagmadali sa pag-alis. Parang nararamdaman pa din niya ang magnetikong presensiya ni Liam Ramsey kahit na napakalayo ng kinaroroonan ng lalaki.


Marahan siyang naglakad-lakad sa paligid. Walang direksyon, walang motibo. Hinihipo at sinisipat ang bawat makaagaw ng pansin. Napapatda siya nang makarating sa malaking lamesang yari sa salamin. 


Maraming papeles ang naiwanang magulo at wala sa tamang folders. Ang cord ng telepono ay buhul-buhol sa sobrang pagkakapilipit. Ang gold-plated personalized pen ay nahulog sa sahig. Tila nagmamadaling umalis si Sir Liam kanina.


Sabik na sabik nang makita agad ang napakaganda at matalentong nobya sa Paris.


Nang yumuko siya para kunin ang signpen, nakita rin niya ang isang picture frame na nakataob sa ilalim ng swivel chair. Si Mia Caressa ang mala-diyosang babaeng nasa letrato. Nahulog marahil ang picture dahil sa pagdudumali ni Sir Liam.


"Mahalin mo si Sir, ha? 'Wag mo siyang sasaktan," bulong ni Abigail sa larawan habang itinatayo sa tabi ng computer monitor.


Mabigat na ang mga hakbang niya nang lumapit sa pinto. Parang bigla siyang napagal. Pinindot niya ang mga light switches bago lumabas.


Nang gabing iyon, hindi si Pipoy at ang planong pagpapakasal ang naging laman ng panaginip ni Abigail. Isa daw siya sa daan-daang bisita sa isang engrandeng kasal. Sinaksihan niya ang pag-iisangdibdib nina Liam Ramsey at Mia Caressa. Ang higit pang kakatwa ay umiiyak daw siya!


Basam-basa nga ang unan niya nang magising. Mugtung-mugto ang mga mata niya.


"Nag-away ba kayo ni Pipoy, Abi?" usisa agad ni Aling Emilia nang makasalubong sa may pintuan ng banyo ang anak na dalaga.


Walang gatol ang pag-iling ni Abigail. "Magkaka-sore eyes po yata ako, Inay," pagsisinungaliang niya.


Itinabing agad ng ina ang isang kamay sa isang panig ng mukha. "Aba! 'Wag mo akong hahawahan n'yan! Magpagamot ka agad," utos nito.


"Opo, Inay." Nakailang hakbang na si Abigail nang magsalita uli ang ina.


"Siyanga pala, dumating kahapon ang resibo ng kuryente at tubig. Wala na tayong bigas at simot na ang laman ng pridyider. Wala na ring sabon at mga de-lata." Parang announcer sa basketball si Aling Emilia. Malinaw at mataginting ang bawat salita.


"Uhm, suweldo na po namin sa Biyernes, Inay. Makakapamili na kayo sa Sabado."


"Hoy, anak, ang parte ko, ha? 'Wag mong kalilimutan. Tuyung-tuyo na ang lalamunan ng Itay mo," ang pahiyaw na paalala ni Mang Lori mula sa harapan ng bahay. Nakangisi ito habang hinihimas ang tapat ng lalamunan.


"Opo, Itay."


"Bunso, kami rin, ha?" ang sabay-sabay na hiyawan ng apat na kuya ni Abigail mula sa kuwarto sa itaas. Sa sahig na nilatagan ng banig nakahiga kaya dinig na dinig ang mga usapan sa ibaba.


"Oo, mga kuya." Parang nahihiAbin na si Abigail kahit wala pang kinakain o iniinom. Hindi na naman siya makakapag-almusal ngayon. Pulos solidong problema na ang ipinalunok sa kanya ng buong pamilya!


Nang lumabas siya ng bahay, walang Pipoy na sumabay sa kanyang paglalakad. Pagdating sa opisina, isang unos na nasa anyong-tao ang dinatnan niya.


"Miss Santos! Come to my office immediately!" Pasinghal ang utos ni Liam nang tugunin ni Abigail sa ikalawang kuriring ang intercom.


Kinakabahan man, hindi pa rin nakalimutang dalhin ni Abigail ang black coffee at stenopad niya.



CHAPTER THREE


"DIYOS ko!" Muntik nang mabitawan ni Abigail ang mga dala dahil sa sobrang pagkabigla kaya dali-daling inilapag. Ang mababang metal filing cabinet ang pinakamalapit kaya doon naipatong ang coffee tray at ang stenopad.


"S-sir, ano pong nangyari dito?" Ang tinukoy niya ay ang mga papeles at mga gamit na nakakalat sa sahig. Parang dinaanan ng isang buhawi ang loob ng opisina. 


Tinangay ang eleganteng kaayusan. Pati na rin ang liwanag. Nagmistulang kuweba dahil hindi nakasindi ang mga ilaw at hindi nakahawi ang mga kurtina.


"Close the damned door!"


Tarantang tumalima si Abigail. Ikinandado niya ang pinto kahit hindi iniutos. Wala ibang dapat makakita sa company president sa mga sandaling iyon.


Nanlalalim ang mga matang namumula dahil sa puyat o sobrang pag-inom ng alak. Gusut-gusot ang mamahaling business suit na kulay light brown. Nakasabit lang sa leeg ang necktie. Gulu-gulo at nakatayo ang clean-cut at itim na buhok. Hindi pa nakaahit ang balbas at bigote.


"Sir, ano'ng nangyari sa 'yo?" Hindi maitago ni Abigail ang pag-aalala. "Bakit ganyan ang hitsura n'yo, sir?"


Nanginginig ang isang kamay na inihilamos ni Liam sa mukha. Larawan ito ng isang sundalong talunan. Hukot ang mga balikat. Baluktot ang likod. Nakatungo ang ulo sa pagkakaupo sa mababang sopa.


"Ikakasal na sa ibang lalaki si Mia," bulong ng lalaki. Paus na paos ang boses. Para bang kagagaling lang sa pag-iyak. "Iniwan na niya ako!"


"Oh, Sir Liam!" Napabulalas si Abigail. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Kagabi lang ay napanaginipan pa niyang ikinakasal ang dalawa!


Biglang nag-angat ng mukha si Liam nang kumuriring ang telepono. "Wala pa ako dito, Miss Santos," utos nito habang tumitindig. "Oh, God, I feel sick!" daing pa habang pasuray na lumalakad patungo sa comfort room.


Si Winnie ang caller. "Napirmahan na ba ni Sir Liam ang mga tseke? O nakalimutan mong gawin ang trabaho mo?"


"Sorry, Miss Sena, hindi pa dumarating si Sir." Ibinaba agad ni Abigail ang receiver dahil baka marinig pa ni Winnie ang mga ingay na nagmumula sa banyo. Isa pa, alalang-alala na siya kay Liam kaya walang panahong magpakitang-tao sa sekretaryang mayabang.


"Sir, napapaano kayo?" Hindi malaman ang gagawin, hinagod ng isang kamay ni Abigail ang likod ng lalaki. "Baka kailangan n'yo na ng doktor!"


"'Wag kang tatawag ng doktor!" bulalas ni Liam. "Kape na lang."


Dali-daling binalikan ni Abigail ang coffee tray na inilapag sa filing cabinet. "Heto, sir. Inumin n'yo agad."


"Salamat." Naubos agad sa ilang lagukan lang ang mainit at mapait na likido.


Medyo nabawasan ang pangamba ni Abigail nang mapunang nanumbalik na ang kaunting kulay sa mukha at bibig ni Liam. 


"A-ano'ng pakiramdam n'yo na, sir?"


"Not good," salo ng lalaki. "Jetlag and whisky are an awful combination!"


Tama pala ang hinuha niya kaninang lasing si Liam.


"Mag-shower kaya kayo, Sir? Baka makaginhawa sa inyo," suhestiyon ni Abigail.


Tumango si Liam. "Okey. Please, get my overnight case. It's somewhere here."


"Yes, sir."


Nakasarado na ang pinto at may tubig na lumalagaslas sa loob nang magbalik si Abigail. Kumatok siya habang nakadikit ang teynga sa puting dahon. 


"Sir, nandito na ang overnight case n'yo." Walang sumagot kaya ibinaba na lang niya sa tabi ng pintuan ang brown leather luggage.


Sinimulan na ng dalaga ang pagliligpit ng mga kalat. Dinampot niya ang mga papeles at pinagsama-sama. Mamaya na niya aayusin.


Natagpuan na naman niya ang larawan ni Mia Caressa. Basag na ang picture frame. Gayundin ang isang babasaging whisky tumbler. Tila magkasabay na ibinato sa pader. Isa-isa niyang dinampot ang mga bubog sa makapal na alpombra.


Halos tapos na ang paglilinis ni Abigail nang lumabas si Liam. Ibinabalik na lamang niya sa dating ayos ang ilang pigurin at palamuti na natumba o nahulog sa kinalalagyan.


Perpekto na uli ang ibabaw ng office desk. Nakalagay sa gitna ang plastic folder na kinaroroonan ng mga salary checks.


"I feel like human now." Papalapit na sa kinaroroonan ni Abigail ang baritonong boses kaya luminga siya.


Ngunit tumalikod agad nang makitang nakasuot lamang ng maikling towelling robe na kulay itim. Umabot lang sa kalahatian ng mga hitang matipuno ang laylayan. Napaso siya sa nakalantad na mabalahibong dibdib. Kumintal rin agad sa utak niya ang magulo at basang buhok. Gayundin ang makinis na pagkaahit ng baba at panga.


"I-ikukuha ko po uli kayo ng kape, sir." Nagkandautal sa pagsasalita si Abigail.


"Okey, thanks. Nasa dressing room ako." Ang tinukoy ng lalaki ay ang maluwang na walk-in closet na mayroong mataba at malapad na divan bed sa loob.


Tumango na lang ang dalaga. Hindi na makapagsalita dahil parang nangangapos ang hininga.


Ipinilig ni Abigail ang ulo nang makalabas sa pribadong opisina. Nangangatog ang mga tuhod niya kaya naupo muna sa computer chair upang mabawi ang nawalang wisyo. Niyapos niya ang sarili dahil parang giniginaw ngunit parang nag-aapoy naman ang buong katawan.


Bakit ganito ang nararamdaman niya? Malimit naman niyang makita si Pipoy na nakahubad-baro. Nakalantad ang dibdib at mga hitang may balahibo rin ngunit butuhan at maputla naman. Ang kulay mapusyaw na kayumanggi ni Liam ay lalaking-lalaki.


'Huminahon ka, Abigail Santos! Mawawalan ka ng trabaho 'pag hindi ka nagkontrol!' Pinagalitan niya ang sarili.


Upang mapalis ang tensiyon, uminom ng tubig ang dalaga. Naubos niya ang dalawang basong tubig dahil sa sobrang panunuyo ng lalamunan at bibig. Nang magsimulang bumagal ang pagtibok ng puso niya, nagsalin siya ng brewed coffee sa isang malinis na porcelain coffee cup.


Unti-unting nagbalik ang normalidad nang madatnang nakaupo na ang boss sa swivel chair at abalang-abala na sa pagpirma ng mga tseke.


"Thank you, Miss Santos." Pormal na uli ang tono ng lalaki. Nagbalik na ang imahe ng isang matagumpay na negosyante. 


Nakasuklay na ang buhok. Maayos ang buhol ng necktie. Naka-plantsa ang business suit na kulay dark grey. Ni hindi sumulyap sa kanya nang ilapag niya ang coffee tray sa malapit sa kanang siko.


Walang imik na kinulekta ni Abigail ang maruming tasa at platito, pati ang coffee tray at stenopad, bago tahimik na lumabas sa pinto. Siguradong tatawag sa intercom ang boss kapag kailangan siya.


Nang tumunog ang buzzer, dinala na rin niya ang mga correspondence na kailangang basahin at pirmahan ni Liam.


Matapos ang mala-unos na simula kaninang umaga, naging madulas na ang daloy ng mga trabaho sa buong maghapon.


Ipinakita ni Abigail ang mga datos na nakalap mula sa telephone canvasing. Namili ang boss ng dalawang caterers na may magkaibang menu at ipinaubaya na sa kanya ang pamimili sa iba pa. Ginawa lang lahat ang mga tseke para pan-deposit at itinaboy na siya.


"Gamitin mo ang company car. Siguradong gagabihin ka na kaya dumiretso ka nang umuwi. Ihuli mo ang hotel reservation dahil nasa night duty ang kaibigan kong manager. Ma-e-entertain ka kahit beyond office hours kang dumating doon. See you tomorrow." Very businesslike ang mga instructions ni Liam.


"Yes, sir."


Ginabi nga si Abigail kaya sa kanto ng Kalye Ilaw siya bumaba. 


"Mahihirapan lang kayong lumabas dahil masikip ang daan kaya dito na lang po ako, Manong," wika niya sa may edad na company driver.


"Okey, Ma'am Abigail. Salamat sa meryenda."


"Allowance po natin 'yan, Manong. Bigay ni Sir Liam. May sukli pa nga tayo. Hinati ko na. Heto ang sa inyo."


"Aba, salamat. Malaking bagay 'to. Pandagdag sa baon ng mga bata."


"Wala pong anuman. Napakabait n'yo palang tatay." Lumuwang ang ngiti ni Abigail. Sumasaya siya kapag nakakarinig ng mga katagang 'mga bata'. Talaga nga yatang hinog na siya sa pag-aasawa. Nasasabik na siyang magkaroon ng sariling mga anak!


Ano kaya kung siya na ang magtakda ng petsa ng kasal kay Pipoy?


'Bakit ba nagmamadali ka?' usisa ng munting tinig sa likod ng utak.


Papalapit na si Abigail sa pusod ng Baranggay Toma-toma kaya itinutok na niya ang atensiyon sa paglalakad. Mistulang isang minesfield ang kalsada kapag sumapit na ang dilim ng gabi. Kailangan ang talas ng paningin at pang-amoy para makaiwas sa mga nakakalat na dumi ng aso.


Isang grupo ng mga istambay na nakatago sa mga anino ng isang matandang puno ng Balete ang naaninag niya ngunit hindi pinansin dahil walang nakitang ka-hugis ng mga kapatid. Papalampas na ang dalaga nang may maulinigang mahihinang buskahan at malalakas na tawanan.


"Pipoy, dumaan 'yung syota mo."


"Sino? 'Yung mukhang matanda sa una?"


Hindi sigurado ni Abigail kung tama ang mga narinig kaya binalewala. Nagpatuloy siya sa maingat na paglalakad hanggang sa makarating sa bahay. Pagud na pagod, hindi na siya kumain ng hapunan matapos magmano sa mga magulang na abalang nanonood sa lumang telebisyon. Dumiretso na siya sa kuwarto para matulog.


KINABUKASAN, maaga pa lang ay ramdam na ramdam na ang excitement sa bawat sulok ng Ramsey Complex.


Sa loob ng mga ladies' rooms ay pulos parlors at boutiques ang paboritong pag-usapan. Hindi sumasali sa usapan si Abigail dahil wala siyang maintindihan sa pagkakaiba ng 'rumpled look' sa 'French braid' o ng 'backless at strapless' sa 'off-shoulder at mid-thigh'. Para na din siyang nakikinig sa mga usapang-Intsik!


Ang isusuot ni Abigail ay ang bestidang binili mula sa unang suweldo. Palda at blusang kulay black at silver. Paisa-isa niyang isinusuot sa mga nakaraang christmas parties at ngayon lang niya pagteternuhin. 


Masyadong maikli ang manggas at mababa ang neckline kaya papatungan ng isang dark grey blazer na hindi gaanong nagamit na pamasok sa opisina dahil nagkaroon na ng uniporme. Maisusuot na rin niya ang ga-tuldok na 10-karat diamond earrings na hinulugan ng isang taon kaya nakatago lang.


Pinag-halfday ni Liam ang mga empleyado. "Para may panahon kayo sa paghahanda sa party bukas. At para hindi kayo mahuli sa pagdating. Be there at six thirty sharp. Be punctual, everybody. Ipakita natin ang isa sa mga sikreto ng ating tagumpay sa J.V. Enterprises!"


Nagpalakpakan ang lahat nang matapos ang maikling speech ng company president sa paging system.


Hindi pa makakauwi si Abigail dahil pupunta pa siya sa hotel upang bantayan ang mga taong kinumisyon para gayakan at ayusan ang malaking ballroom hall na nirentahan para sa okasyon.


"See you tomorrow, Miss Santos."


"Yes, sir." Awang-awa si Abigail dahil nababakas niya ang malalim na kalungkutan sa mga matang malamlam ng boss. Halatang hindi pa ito nakakatulog mula pa kagabi dahil nangangalumata. Hindi rin siguro gaanong nakakakain dahil nangayayat agad. 


Ngunit hindi siya nagkumento ng anumang personal. Mas mataas na pader ang inilagay niya sa pagitan nila magmula nang makita ang maskuladong dibdib at mga hita ni Liam Ramsey kahapon.


"Sandali, Miss Santos."


"Bakit po, sir?" Huminto sa akmang paglabas ng pribadong opisina si Abigail upang luminga sa amo.


"I don't wanna sound insulting, pero gusto ko lang itanong kung may boyfriend kang maisasama sa party bukas?"


Hindi agad nakahuma ang dalaga dahil namangha sa ipinamalas na pag-aalinlangan sa unang pagkakataon ang lalaking nakilala niyang self-confident at self-possessed.


"H-hindi ko lang po alam kung gustong sumama ng boyfriend ko, sir, pero yayayain ko po siya." Magmula nung Miyerkules nang umaga, hindi na niya nakita si Pipoy kaya hindi pa naimbitahan.


"I see." Tumitig si Liam sa mukha ni Abigail. Para bang may hinahanap. "Okey, take him with you tomorrow night, Miss Santos." Dinampot nito ang gold-plated personalized pen at nagsimulang magsulat.


Dismissal iyon kaya tumalikod na si Abigail.


"GINABI na naman tayo, Ma'am Abigail," wika ni Manong Steve nang papalabas na sa parking lot ng hotel ang company car. "Buti na lang, natapos na ang lahat ngayon. Hindi mo na kailangang pumunta dito bukas nang umaga."


"Mabuti nga po. Makakapagpahinga po tayo," sang-ayon ni Abigail. Bahagya na lang maingiti ang bibig dahil sa sobrang pagod. Tiyak na hindi na siya makakapaghapunan uli pagdating sa bahay. Matutulog na agad siya.


Bukas ng umaga na siguro niya mayayaya si Pipoy...



CHAPTER FOUR


UMAGANG-umaga nang muling mayanig ang mundo ni Abigail. Mas malakas ngayon dahil siya na mismo ang sangkot.


Eksaktong alas siyete nang pumanaog ang dalaga upang ipagtimpla ng kape ang sarili. Kanina pa siya gising pero hindi agad lumabas ng kuwarto dahil inilabas sa aparador ang mga isusuot para sa party. Matapos plantsahin uli, isinabit niya sa pako ang mga hanger upang hindi magusot ang palda at blusa.


"Mga walanghiya kayo! Ilabas n'yo ang anak ko! Menor de edad pa 'yon. Kakasuhan ko kayo ng rape at kidnapping!"


Naulinigan ni Abigail ang nagtutungayaw na matinis na boses-babae sa di-kalayuan. Ngunit dahil normal na ang gayong eksena sa squatters' area, hindi niya gaanong binigyang-pansin ang kaguluhan sa labas. 


Ang isip niya ay nakatuon sa mga last-minute preparations na kailangang isagawa. Wala sa sarili si Sir Liam kaya kailangan din niyang maging alerto at handang umalalay kapag kinakailangan.


"Hoy, Abi! Halika! Ba't di mo sinabing break na pala kayo ni Pipoy?" usisa ng humahangos na si Aling Emilia.


"Ho?" bulalas ni Abigail. Gulat na gulat. "Hindi po kami nag-break ni Pipoy, Inay. Sino po ba'ng me sabi sa inyo?"


"Ha? Aba! Bakit nagtanan ng ibang babae ang damonyos na 'yon?"


Umikot ang paningin ni Abigail ngunit agad na kinontrol ang pagkaliyong dulot ng pagkagimbal. 


"A-ano'ng sinabi n'yo, Inay? Nagtanan ng ibang babae si Pipoy?" Kakatwa, pero umiral lang marahil ang likas na praktikalidad, dahil ang una niyang naisip ay tinangay ng taksil na kasintahan ang ATM card at ang lahat ng perang naipon sa loob ng tatlong taon.


'Oh, Diyos ko!' Umalon ang sahig kaya pabagsak na naupo sa silya ang dalaga.


"Ay! 'Wag kang hihimatayin, Abi! Hindi kita kayang saluhin!" Nagpalahaw agad si Aling Emilia. "Lori! Tulungan mo si Abi! Hihimatayin! Aatakehin sa puso dahil iniwan ng nobyo! Ay! Isugod natin agad sa ospital!"


Kundi siguro nagkadurug-durog na ang puso ni Abigail, baka napatawa pa siya sa sobrang pag-e-emote ng ina.


"Heh! Tumigil ka nga d'yan, Emilia! Nakakakulili ang boses mo!" Susuray-suray na lumapit si Mang Lori sa dalaga. Tinunghayan ng mga matang bilasa ang namumutlang mukha ni Abigail. "Masama ang loob mo, ano? Alam mo kung ano'ng pampaalis n'yan? Alak lang! Iinom tayo mamaya."


"Aba't--! Tarantado talaga 'tong lasenggong 'to! Bakit gagawin mo pang lasengga si Abi? Tama na 'yung lima lang kayong sugapa sa alak sa pamilyang 'to, gago ka!" Nagtungayaw na sa inis si Aling Emilia.


"O, e, kesa naman sugapa sa tong-its na katulad mo? Sa alak, me katapusan. Basta't nalasing, 'tutulog ka na lang. E, sa sugal? Hanggang hindi ubos ang laman ng bulsa mo, hindi ka tatantanan! Kapatid ng droga 'yang tong-its! Natutulog ka na, baraha pa din ang nasa isip!" panunumbat ni Mang Lori.


Narindi si Abigail. Paano niya maipagluluksa ang kamatayan ng mga pangarap kung ganito kaingay? Pinilit niyang tumindig para magpunta sa banyo. Awtomatiko siyang naligo.


Nagbabangayan pa rin ang mag-asawa nang lumabas si Abigail. Hindi na tungkol sa kanya ang paksa kaya walang nakapansin nang dumaan siya sa harap ng mga ito para umakyat sa hagdanan.


Nang makarating sa maliit na kuwarto, ang narinig naman niya ay ang pagtutungayaw ng galit na galit na ina ng babaeng itinanan ni Pipoy.


May magagawa pa ba ang galit? Maibabalik pa ba ang ATM card niya? Mabubuo pa bang muli ang nawasak na mundo niya?


Hindi...


'Kung gayo'y 'wag kang magalit, Abigail Santos,' utos niya sa sarili. 'Gawin mo na ang lahat--'wag lang ang magalit. Magpakasaya ka. Magpakabaliw ka. 'Wag ka lang magagalit… Aah, nababaliw na ba siya?’ Gustong humikbi ni Abigail pero sa halip ay napahagikhik siya. Tinutop ng isang nanginginig na kamay ang bibig.


Nagbihis si Abigail nang muling mamanhid ang pakiramdam. Kalmado ang ekspresyon niya pero ang kalooban ay nagmistulang sementeryo sa sobrang katahimikan. Nailibing na ba agad ang puso niya?


Ganito rin kaya ang kalungkutang nadarama ni Sir Liam…?


Biglang sumulpot mula sa karimlan ang tanong pero doon nangunyapit si Abigail. Kailangan niyang maging matatag, matino, at matalas. May trabaho pa siyang dapat gampanan. Si Sir Liam at ang party lamang ang dapat niyang pagtuunan ng pansin.


Mistulang robot ang pagkilos niya. Sinusunod na lamang ang mga naunang plano na tinandaan ng utak. Inilagay niya sa isang paper bag ang party clothes bago nagbihis ng casual attire. Binalak niyang sa hotel na magbihis, kapag sumapit na ang takdang oras ng party. Pero habang nag-aasikaso pa sa mga last-minute preparations, kahit rugged clothes ay puwede na.


Isinuot niya ang unang nahawakan ng mga kamay na nagyeyelo. Mga damit na pambahay. Lumang t-shirt sa P.E. at maong pants na kumupas na sa maraming beses na pag-eskoba. Umurong na ang mga tela kaya humakab sa lahat ng parte ng katawan ni Abigail. Biglang nahinog ang mga kurbang palaging nakatago sa ilalim ng mga formal office uniforms.


Ang mahabang buhok na alun-alon ay hindi gaanong nasuklay dahil pirming nabibitawan ang hawak na suklay kaya itinali na lang niya ng goma. Ang eyeglasses na nakapagdagdag ng maraming taon sa edad ay nakaligtaan kung saan huling nabitawan.


Isinuot rin niya ang unang sapatos na nahugot mula sa masikip at mataas na taguan. Mabuti na lang, ang lumang rubber shoes iyon. Tiyak na hindi mapapansin ni Abigail ang katawa-tawang hitsura kung black leather shoes ang naisuot.


"Aba--saan ka pupunta, Abi? Bakit ganyan ang suot mo? Hindi ka ba papasok sa trabaho? Nasaan ang perang pamalengke?" Sunud-sunod ang mga tanong ni Aling Emilia habang sinusundan ang anak sa paglabas ng bahay. "Baka maputulan na tayo ng kuryente at tubig!" Maghihisterikal na naman ang matandang babae kaya hinarap na ni Abigail.


"Wala pa po akong pera, Inay," ang mahinang pahayag niya. 'Wala na akong kapera-pera! Ninakaw nang lahat ni Pipoy!' bulalas niya sa loob ng utak.


"Aba! Kailangang may dala ka nang pera mamaya. Mamamatay na kami sa gutom dito. Wala na ni isang butil ng bigas sa bahay na ito!"


"O-opo, Inay." Gustong umiyak ni Abigail pero tuyung-tuyo ang mga mata niya. Awang-awa siya sa sarili. Nawalan siya ng nobyo. Iniwan siya ng lalaking pinaghandugan ng pagmamahal. Bakit hindi man lang siya mabigyan ng simpatiya? Wala bang nagmamahal sa kanya?


Parang nahulog sa isang balon na yari sa salamin si Abigail. Malamig at malalim ang depresyon kinasadlakan.  Nakikita niya ang mga nangyayari sa paligid pero parang hindi siya kasali.


Sinamahan siya marahil ng anghel dela guwardiya dahil nakarating pa rin sa hotel kahit hindi matandaan kung paano napasakay sa taksi. Nadala rin niya ang wallet na mayroong lamang pera dahil naipunan ng mga tira-tirang sukli mula sa allowances nila ni Manong Steve. Kaya mayroon siyang naipambayad sa pamasahe.


Dalawang lalaki ang dinatnan ni Abigail sa loob ng ballroom hall. Sabay na luminga sa pagdating niya sina Sir Liam at Coren, ang hotel manager.


“Are you looking for your parents?” tanong ng manager habang may prupesyonal na ngiti sa bibig. “Please, let me take you to the reception—“


“No,” tutol ni Sir Liam habang titig na titig kay Abigail. “Miss Santos?”


“S-sir…” Medyo garalgal na ang tinig ni Abigail.


“Oops! I’m sorry, hindi ko nakilala ang secretary mo, pare.” Napapalatak si Coren. 


Tila hindi pa rin makapaniwalang ang mukhang tinedyer na kaharap ngayon ay ang mukhang manang na babaeng nag-asikaso sa ballroom nitong nagdaang dalawang araw.


“Ako rin,” pag-amin ni Sir Liam. “Bakit ganyan ang suot mo? Hindi ka ba dadalo sa company party?”


“N-narito po ang mga damit ko, sir." Bahagya na lang niyang naiangat ang paper bag. Parang naging isang tonelada ang bigat. Simbigat na ng mga sama ng loob na dinadala sa dibdib. 


Hindi niya alam na sobra ang pamumutla ng kanyang mukha. Ang kanyang mga labi ay namumula at bahagyang namamaga dahil sa malimit na pagkagat ng mga ngipin.


"Are you alright?"


Awtomatikong tumango ang ulo ni Abigail pero ang dila ay kusang nagsabi ng tutoo. "N-no, sir." Yumuko siya dahil napahiya. “I’m sorry.”


Ayaw niyang may ibang makaalam na pinagtaksilan at iniwanan siya ng childhood sweetheart. Ngunit gusto rin niyang magkaroon ng karamay. Sana...


"Namumutla ka. Halika. Magpahinga ka muna.” Hinawakan ni Sir Liam ang isang siko ni Abigail nang sumuray siya. “Let me take this.” Hindi siya tumutol nang kunin ang bitbit niyang paper bag.


“Bakante ang waiting lounge, pare. Doon mo muna dalhin ang super-sipag na secretary mo.” Magiliw ang tono ni Coren pero unti-unting naglalaho ang tinig nito.


“Miss Santos!” Bahagya na lang narinig ni Abigail ang pagbulalas ni Sir Liam. Ngunit naramdaman pa niya ang pagsalo ng matitigas na bisig sa kanyang katawan bago siya bumagsak sa sahig.


Nang matauhan si Abigail, nakahiga siya sa isang malambot na kama at nakatunghay sa kanya ang atraktibong mukha ni Sir Liam. Nagkatitigan sila nang matagal ngunit walang nawawaan sa mga piping mensaheng tumawid sa hangin.


"Papunta na dito ang hotel's doctor." Medyo paos ang pabulong na wika ni Sir Liam.


"P-po?” Saka lang parang nahimasmasan ang dalaga. “W-wala akong sakit, sir. Medyo pagod lang po.” Nang lumayo ang amo, itinukod niya ang mga siko at pinilit ibangon ang sarili.


“Parang wala ka sa sarili mo kanina. You looked—shocked.” Nakaupo na si Sir Liam sa silyang may tuwid at matigas na sandalan pero nakaharap at nakatitig sa kanya. “May nangyari bang hindi maganda?”


Yumuko si Abigail. Hiyang-hiya pero parang sasabog na ang kanyang dibdib. Medyo humulas na ang pagkabigla niya kaya hindi na rin siya namamanhid. Sobrang sakit na ang nararamdaman niya.


“P-pareho na po tayo, sir… N-nagtanan ng ibang babae ang b-boyfriend ko. T-tinangay pa niya ang ATM card ko!” Paimpit ang paghikbi niya pero malakas ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga matang nakapikit nang mariin.


"Kahapon pa pumasok ang salary mo sa bangko. Pati 'yon?"


Yukung-yuko pa rin si Abigail nang tumango. "P-pati po ang l-lahat ng s-savings ko, sir."

 

Ang malalim na buntonghininga ni Liam ay isa nang uri ng panenermon. 


"I'll write you a check." pangako nito.


"T-thank you po, s-sir!" Nakatutop sa bibig ang mga kamay ni Abigail nang mag-angat siya ng paningin para magpasalamat sa kabutihan ng amo. “I-ipapakaltas ko na lang po ang vale ko sa susunod na s-sahod.”


“No. Consider this as payment to a job well done here. Pulos papuri ang sinasambit ni Coren tungkol sa kasipagan mo.”



Purchase this book or download sample versions for your ebook reader.
(Pages 1-32 show above.)